Monday, October 17, 2016

When A Deal is NOT A DEAL

Nakakatuwa naman ang pagiging 'loyal customer' sa isang post-paid plan. 

Tinawagan ako ngayon para sabihin na may offer sila para sa akin: puwede akong magkaroon ng libreng iPhone 5S! Pero may isang kundisyon: i-a-upgrade ang plan ng aking cellphone mula P500 at gagawing P800 dahil umaabot naman daw lagi sa P800 iyong bill ko sa telepono. 

Libreng iPhone? Sino'ng aayaw doon diba? 

Well, ako. Umayaw ako sa offer nila. Bakit? Dahil imbes na 24 months lang ang kontrata ko, magiging 30 buwan na. At aanhin ko pa ang iPhone 5s kung may iba naman na akong cellphone?

Inisip ko bakit hindi sulit ang 'deal' na ito. 
Sa 6 extra months, ang P800 ay magiging P4,800. 
Ang additional P300 sa 24 months ay P7,200. 
Total: P12,000 

Kung umabot pa din ng P800/month ang bill ko, may P4,800 pa din akong natitipid. At pagkatapos ng 2 taon, may bago akong cellphone ulit.

Pero kung mag-stick ako sa plan ko, ang totoong deal sa akin ay ang i-retain ang P500 postpaid plan ko at may natipid akong P12,000. :)


Wednesday, September 9, 2015

Free iPhone!

Hep, hindi ako namimigay ng cellphone. At hindi ako nakakuha ng iPhone. Gusto ko lang sabihin na kung na-invest mo sana iyong Christmas Bonus mo imbes na ipinambili ng iPhone 5, ang P 30,000+ mo noong 2012 naging PHP 72,000+ na ngayon! Parang naka-libre ka na din ng iPhone diba? May sukli ka pa!

Pero hindi. Binili mo iyung latest iPhone 5. Ngayon, magkano na ang halaga ng cellphone mo?

Gaya nga ng sinabi ko dati, hindi naman masama ang gumastos, huwag lang ito para lagi sa luho. Pero kung gusto mong mas kumita ng pera, mas maganda kung mag-ipon at mag-invest ka na ngayon palang.

Paglilinaw: Ang post na ito ay para sa mga taong wala pang ipon at/o inuuna ang luho kaysa pag-i-invest at paghahanda sa kinabukasan nila -- mga karaniwang inilalarawan ng "ubos-ubos biyaya, bukas nakatunganga." 

Kung ikaw naman ay financially capable na, then go ahead, bumili ka na ng inaasam-asam mong iPhone. Bakit? Because you deserve it. Dahil handa ka na mag-retirong milyonaryo.

Thursday, August 27, 2015

Tipid Tip: Magbayad ng Sobra

Huh? Paano naging paraan ng pagtitipid ang pagbayad ng sobra?
Ipapakita ko kung paano ko ito ginagawa. Ito ang bill ko sa internet:






Naka-Plan1299 kami sa Globe para sa internet at landline. Sa bill na ito, makikita niyo na ang balanse ko sa Globe ay PHP -1,025.03. Ibig sabihin, may 'deposit' na akong pera sa bill ko. Parang may ipon na din ako sa kanila. At kung mapapansin ninyo, nagbayad ako ng PHP 1,500.00 imbes na 1,299.00 lang. Para saan? Isa itong paraan ko ng pag-iipon ng pera. Gaya ng sabi ko dati na pakonti-konti lang, na-iipon din ang maliit na halaga. 

Monday, August 3, 2015

Scam Ba ang Pag-Invest sa Stock Market

Natanong mo na ito marahil dahil natatakot ka -- natatakot na maglaho parang bula ang kinita mong pera. Naglipana ang mga scam ngayon dahil marami ang gusto ng mabilisan at madaling paraan ng pagyaman. 

Sa pag-invest sa stock market tulad ng ginagawa sa TrulyRich Club, kasama ang mga payong pinansyal na binibigay nila, mas nakasisiguro akong investment talaga ang ginagawa ko at hindi scam. Boring nga kung ikukumpara mo sa mga 'easy money' scheme na ginagawa ng iba. Ang maganda din sa stock market investment ay hindi mo kailangang pilitin ang iba na sumali, hindi kailangang mag-recruit para lang kumita ng pera at maka-'exit' na. Hinding-hindi ka nanlalamang ng kapwa-tao mo. Malinis ang iyong konsensiya. 

Ano ba ang mga senyales na scam ang pinasok mo? Panoorin mo ang video sa baba:

 Nakuha mo ba ang 'checklist' nila?
1. Nangangako ng malaking kita buwan-buwan habang nasa bahay ka lang.
2. Mag-miyembro sa kumpanya sa pamamagitan ng pagbayad ng membership fee o pagbili ng produkto.
3. Pinag-re-recruit ka ng mga bagong miyembro sa 'business opportunity' na ito.
4. May kumplikadong paraan ng pagbibigay ng "commission" at "marketing plan".
5. Hirap magbenta sa labas ng mga distributors.
6. "Too Good to be True"

Monday, April 20, 2015

Seaman Ka Ba at Malapit ng Mag-Retiro?

Dahil miyembro ako ng Truly Rich Club ni Bo Sanchez, regular ako nakaka-tanggap sa email ng mga gabay sa pag-i-invest. At bukod dito, minsan ay may mga inspirational messages siya para panatilihin ako sa tamang mindset at tuloy-tuloy ang pag-invest.

Sa TrulyRichClub.com, may mapapanood kayong video ngayon. At bahagi nito ay ang kuwento ng isang retiradong seaman at kaniyang asawa. 
 

Ito rin ang madalas na trahedya ng mga OFW. Lumalabas ng bansa para kumita ng malaki, aasa sa pension, at kapag nagkasakit, mangungutang na lang ng pambayad sa ospital at gamot. Nakakalungkot diba?

Thursday, April 16, 2015

Bumaba ang Stock Market! NAKU!

Siguro kung nagsimula ka na mag-invest, isang napakalaking "NAKU!" ang nasambit mo nang nabalitaan mong bumaba ng 150 points ang Philippine Stock Market kahapon.

Ako? Isa lang ang nasambit ko. "SAYANG!"

Bakit? Dahil na-miss ko ang Sale ng stocks. Nag-invest na ako noong Lunes palang kaya nanghinayang ako.  Pero di ko masyadong dinibdib. Dahil hindi naman natin tina-timing-an ang stock market. Ang plano naten ay tuloy-tuloy na pag-iinvest. Bakit ulit? Dahil mas malaki ang pagkakataong malugi ang iyong ini-invest kung ang plano mo ay timing-an ang stock market. Marahil makaka-tiyempo ka ng malaking kita paminsan-minsan. Pero hindi araw-araw. 

Gaya ng lotto, mas malaki ang isusugal, mas malaki ang pagkakataong manalo. Pero kung laging isusugal ang malaking pera, malulugi ka lang. 

Kaya tuloy lang tayo, brad, sis, ate, kuya, mare, pards, tatay, nanay, auntie, uncle... tuloy tayo sa pag-i-invest sa kinabukasan para sa ating pagreretiro.

Monday, February 16, 2015

Self-update: Tatay na po ako!

Unang-una, matagal-tagal din ako hindi nakapag-update ng blog ko dito. Ito ay sa kadahilanang ako'y nanganak na... este si misis pala ang nanganak! Kaya nanahimik ang mga 'payo' at kuwento ko dito sa pagbabahagi ko ng aking investing journey tungo sa pagreretirong mayaman at milyonaryo.

 
Magandang pagkakataon ito upang ikuwento ko kung paano pinaghahandaan ang mga ganitong pangyayari na hindi inaasahan. At maipapakita ko din marahil ang kahalagahan ng pag-set-aside ng 'Emergency Fund' para sa mga biglaang pangyayaring hindi inaasahan.