Tungkol ito sa madalas na naririnig na tanong na 'Bakit ang mahirap, lalong naghihirap at ang mayaman ay lalong yumayaman?' Saan nga ba napupunta ang pera ni Juan dela Cruz? Sa video, hinati nito ang mamamayan ng ating bansa sa tatlong uri ng Pilipino: 1.) si Juan Mahirap; 2.) si Juan Middle Class at 3.) si Juan Mayaman. Susubukan kong i-summarize ang video kung mabagal ang internet sa bahay niyo. :D
Mali yatang Juan Dela Cruz ito. Hehe. |
Si Juan Mahirap ay posibleng may trabaho pero kadalasa'y contractual o walang kasiguruhan ang trabaho kaya tinitiis ang trapik at taas-pamasahe papunta sa pinapasukang trabaho kahit minimum wage o mas mababa pa ang kita. Dahil sa hirap at pagod na dinadanas sa trabaho, gusto i-reward ang sarili sa maliit na bagay: sale, ukay-ukay, o Jollibee. Hindi naiisip magtabi ng pera para sa savings o pang-puhunan sa negosyo. Kaya pag may emergency o nagkasakit, uutang na lang. At iyon na ang simula ng ikot ng suweldo -> bayad utang -> kakapusin -> mangungutang -> suweldo...
Si Juan Middle Class naman ay maaring propesyunal, nakapag-aral at may kalakihan ang suweldo. Sabi nga sa video, maaaring mapagkamalan siyang mayaman dahil nasa Facebook ang bagong kotse, bakasyon sa Singapore at Hong Kong, updated ang cellphone, at may isa o dalawang mamahaling bag or relo. Ang problema, karaniwang utang sa credit card o loan sa bangko ang pinambili niya ng mga ito. Kaya ang suweldo niyang may kalakihan ay ipinang-babayad lang niya ng utang. Ang inaakala niyang 'assets' na bahay o kotse ay mga 'liabilities' pala. Kung si Juan Mahirap ay nire-reward ang sarili sa abubot, si Juan Middle Class ay ina-upgrade ang lifestyle. Imbes na mag-baon ng tanghalian, sa mamahaling restaurant na kumakain. Imbes na mag-commute, taxi ang unang naiisip. Imbes na 3in1, coffeeshop ang kape sa umaga. Kasi nga naman, aanhin ang lahat ng suweldo kung hindi mo naman ma-enjoy diba? Gaya ni Juan Mahirap, di niya naiisip ang savings o puhunan.
Si Jun Mayaman naman ay madali lang ang ginagawa: pinag-iisipan mabuti kung paano ginagastos ang pera. Disiplina ang nagiging dahilan bakit sila ay lalong yumayaman. Ang pera nila ay inilalaan sa mga bagay na kumikita pa ng mas maraming pera. Nag-i-invest sa stock market. Hindi sila bibili ng personal na kotse kung puwede pa ang kasalukuyan nilang ginagamit. Bibili sila ng van o jeep o tricycle o taxi para magamit ito para kumita ng dagdag na kita pa. At iipunin niya ang kita doon para dagdagan ang mga ito para lalong lumaki ang kita. Pinapa-ikot niya ang pera para tuloy-tuloy ang kita niya kahit hindi siya mismo ang nagta-trabaho -- kaya madami siyang oras para sa ibang bagay gaya ng pag-focus sa regular niyang trabaho.
Dati, nasa pagitan ako ni Juan Mahirap at Juan Middle Class. Pero sa kasalukuyan, unti-unti ko na binabago ang mindset ko at habits para sa future, magre-retiro ako sa Pilipinas na gaya ni Juan Mayaman!
No comments:
Post a Comment